--Ads--

Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang constitutionality ng Republic Act No. 12326 na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa limang taon.

Sa ilalim ng batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre, nakatakda sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa 33-pahinang desisyon, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni election lawyer Romulo Macalintal na kumukuwestiyon sa pagiging konstitusyonal ng batas.

Ayon sa SC, pangunahing layunin ng batas na magtakda ng limang taong termino ng mga opisyal ng barangay at SK, at hindi lamang ipagpaliban ang halalan.

--Ads--

Binigyang-diin din ng Korte na may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda at magbago ng termino ng mga opisyal ng barangay, basta’t makatwiran ang panahong inilaan para sa transisyon.

Makatwiran din anila ang Nobyembre 2028 bilang petsa ng susunod na BSKE dahil nahalal ang mga kasalukuyang opisyal noong Oktubre 30, 2023.

Ipinaliwanag din ng SC na hindi binigyan ng panibagong termino ang mga kasalukuyang opisyal. Mananatili lamang sila sa puwesto sa ilalim ng holdover capacity hanggang mahalal ang kanilang mga kahalili.

Samantala, ikinatuwa ng Comelec ang desisyon dahil tuluyan na nitong nilinaw ang mga agam-agam hinggil sa legalidad ng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK.

Ang desisyon ay isinulat ni noon ay Associate Justice Rodil V. Zalameda at ipinahayag noong Oktubre 14, 2026.