Inatasan ng Malacañang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na tugunan ang kakulangan sa mga kagamitan at pasilidad sa mga kulungan.
Kasunod ito ng pag-amin sa pagdinig ng Sandiganbayan na hindi tuloy-tuloy ang recording ng ilang CCTV camera sa New Quezon City Jail Male Dormitory dahil sa kakulangan ng decoder.
Dahil dito, may ilang bahagi ng pasilidad na hindi nababantayan ng CCTV.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi dapat gamiting dahilan ang kakulangan sa kagamitan upang hindi magampanan ng mga jail personnel ang kanilang tungkulin.
Samantala, binawi ng kolumnistang si Ramon Tulfo ang nauna niyang akusasyon laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, matapos amining wala itong sapat na batayan.
Pinuri naman ni Castro ang pag-amin ni Tulfo at hinimok ang iba pang nagpapakalat ng maling impormasyon na magkaroon din ng lakas ng loob na itama at aminin ang kanilang pagkakamali.











