Hindi inaasahang tataas ang presyo ng LPG sa Disyembre at posible pa itong bumaba dahil sa sapat na suplay nito sa bansa at sa Asian market.
Ito ang inihayag ni G. Arnel Ty, presidente ng LPG Marketers Association, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Ayon kay Ty, inaasahang mananatili sa kasalukuyang antas ang presyo ng LPG o posibleng bumaba depende sa magiging galaw ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Dagdag niya, bumaba rin ng 100 dollars per metric ton ang presyo ng crude oil, bagama’t nakadepende pa rin sa mga susunod na kaganapan sa Middle East ang magiging direksyon ng presyo ng LPG sa mga darating na buwan.
Matatandaang nagkaroon ng ₱4.50 na pagtaas sa presyo ng LPG nitong Nobyembre kasunod ng 46-dollar increase sa contract price na inanunsyo ng Saudi Aramco.
Gayunman, hindi lahat ng LPG brands ay nagpatupad ng dagdag-presyo dahil sa kompetisyon sa merkado.
Samantala, nilinaw ni Ty na alinsunod sa bagong patakaran, ang Department of Energy (DOE) na ang mag-aanunsyo ng mga pagbabago sa presyo ng LPG at ng kaukulang halaga nito.











