--Ads--

Pormal nang binuksan ngayon araw, Nobyembre 7 sa Capitol Arena sa Ilagan City ang Bambanti Festival 2027 Intertown Speaker’s Cup na lalahukan ng mga koponan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Isabela.

Nakataya sa kompetisyon ang kabuuang ₱1.75 milyon na premyo para sa tatlong mangungunang koponan. Makakatanggap ng ₱1 milyon ang kampeon, ₱500,000 naman ang first runner-up at ₱250,000 ang second runner-up.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjamin Isabelo “Benben” Dy, commissioner ng Isabela Bambanti Intertown, sinabi nitong layunin ng torneo na magkaroon ng mas balanseng kompetisyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa bawat koponan ng pagkakataong pumili ng isang import player upang mapunan ang kakulangan sa kanilang lineup.

Ipinaliwanag ni Dy na may ilang bayan na nahihirapang makipagsabayan sa ibang koponan dahil sa pagkakaiba ng lakas at kakayahan ng kanilang mga manlalaro. Dahil dito, binigyan ang bawat koponan ng pagkakataong kumuha ng karagdagang manlalaro upang maging mas competitive ang kanilang lineup.

--Ads--

Inaasahan niyang magiging mas kapana-panabik ang mga laban dahil magkakaroon ng mas patas na pagkakataon ang bawat kalahok na makipaglaban para sa kampeonato.

Pagkatapos ng opening ceremony, nakatakda ring isagawa ang tatlong laro sa unang araw ng kompetisyon.

Hinikayat naman ni Dy ang mga Isabeleño na manood at makiisa sa mga aktibidad ng torneo upang suportahan ang kani-kanilang kinatawang koponan. Aniya, iaanunsyo rin ang mga susunod na lugar na pagdarausan ng mga laban upang mabigyan ng impormasyon ang publiko.