Itinanghal na Hall of Famer ang Lungsod ng Ilagan matapos nitong makamit ang pagkilala bilang Business-Friendly City in the Philippines sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.
Iginawad ang naturang parangal ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) noong Oktubre 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ilagan City Vice Mayor Jay Eveson “Jayve” Diaz, sinabi nitong malaking pagkilala para sa lungsod ang naturang parangal dahil sumasalamin ito sa paglikha ng mga trabaho at pagbibigay ng mas maraming oportunidad na nagpapalakas sa lokal na ekonomiya.
Ayon kay Diaz, kabilang sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang pagiging business-friendly ng lungsod ang patuloy na pagpo-promote sa Ilagan upang makahikayat ng mga mamumuhunan.
Pinatitibay rin umano ng pamahalaang lungsod ang suporta sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kasabay ng pagpapabilis sa proseso ng pagkuha ng business permit at mayor’s permit.
Umaasa naman si Diaz na sa pagkakabilang ng Ilagan City sa Hall of Fame, mas marami pang mamumuhunan ang mahihikayat na magnegosyo sa lungsod, na inaasahang magbibigay ng karagdagang trabaho at higit pang magpapasigla sa lokal na ekonomiya.











