Nagdeklara ng state of emergency ang isla ng El Hierro sa Canary Islands ng Spain matapos hindi na makayanan ng lokal na pamahalaan ang pagdagsa ng mga migrants mula Africa.
Ayon kay Alpidio Armas, pinuno ng island council, mas marami ang dumarating na migrante kaysa sa bilang ng mga kayang ilipat ng mga awtoridad sa kalapit na mga isla ng Tenerife at Gran Canaria.
Bukod sa kakulangan ng matutuluyan, nahihirapan na rin ang lokal na ospital na tugunan ang pangangailangan ng mgamigrants. Sinabi ni Armas na kailangan ng karagdagang pasilidad, kagamitan at medical personnel upang maibsan ang bigat ng trabaho ng mga health workers.
Sa ilalim ng emergency declaration, humihingi ang lokal na pamahalaan ng karagdagang rescue personnel, Coast Guard, medical workers at Red Cross staff mula sa regional at national government.
Batay sa datos ng United Nations High Commissioner for Refugees o UNHCR, nasa 13,300 migrante ang dumating sa Canary Islands mula Enero hanggang katapusan ng Oktubre ngayong taon.











