--Ads--

Kinuwestiyon ng prosecution team ang testimonya ng unang saksing iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito matapos makitaan umano ng ilang hindi pagkakatugma sa kaniyang mga pahayag hinggil sa deklarasyon ng ari-arian ng Bise Presidente.

Ayon kay House prosecutor Joel Chua, sa halip na makatulong sa depensa, naging kahinaan pa umano nito ang testimonya ni Davao City Assessor at engineer Jaime Adalin dahil sa mga pagkakaiba sa halaga at paglalarawan ng isang residential property.

Kabilang sa mga tinukoy na discrepancy ang acquisition cost ng naturang lote na nakasaad na P6 milyon sa Electronic Certificate Authorizing Registration o eCAR, habang P10 milyon naman ang nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte noong 2024 at 2025.

Kinuwestiyon din ng prosecution ang paglalarawan sa ari-arian dahil nakasaad sa eCAR na may improvement ang lote, samantalang lote lamang ang nakatala sa SALN. Bukod dito, hindi rin umano matukoy ng testigo kung residential o commercial property ang lugar nang ipakita sa kaniya ang larawan nito na may nakatayong commercial building.

--Ads--

Iginiit naman ni House lead prosecutor Gerville Luistro na hindi sapat ang land title upang matiyak na ito ang mismong ari-ariang nakadeklara sa SALN dahil magkaiba ang impormasyong nakapaloob sa dalawang dokumento.

Samantala, binigyang-diin ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. na hindi rin sapat ang magkaparehong assessed value at fair market value upang patunayang iisang ari-arian ang tinutukoy, dahil posibleng may iba pang kalapit na lote na may kaparehong halaga.

Matatandaang inamin mismo ni Adalin sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian na posibleng may iba pang ari-arian sa lugar na may kaparehong assessed value at fair market value.