--Ads--

Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na wala itong planong magbitiw sa puwesto sa kabila ng mga ulat na umano’y nakakuha na ng sapat na bilang ang mga senador upang hatulan siyang guilty sa impeachment trial.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Spokesperson Paolo Panelo na mananatili sa puwesto si Duterte dahil naniniwala itong wala siyang kasalanan sa mga paratang laban sa kaniya.

Samantala, tinawag ni Senador Risa Hontiveros na premature ang mga ulat hinggil sa umano’y napagpasyahan nang hatol ng mga senador. Hindi rin kinumpirma ni Panelo kung dadalo ang Bise Presidente sa impeachment trial bilang manonood o testigo.

Sa unang araw ng paglalahad ng depensa, iniharap si Davao City Assessor Jaime Adalin upang pabulaanan ang alegasyong hindi idineklara ni Duterte sa kaniyang SALN ang ilang ari-arian nila ng asawang si Manases Carpio.

--Ads--

Ayon kay Adalin, ang ari-ariang nakatala sa SALN sa ilalim ng Barangay 74-A ay siya ring matatagpuan sa Barangay Matina Crossing sa Davao City, batay sa Republic Act 454 na inilabas noong 1965.

Iginiit naman ng abogado ng depensa na si Lindon Miguel Bacquel na walang batayan ang pahayag ng prosekusyon na hindi isinama sa SALN ang naturang ari-arian.

Matatandaang iginiit ng prosekusyon na hindi idineklara ni Duterte ang dalawang lupain sa Davao City at Island Garden City of Samal na nagkakahalaga ng P6 milyon at P3.45 milyon, na bahagi umano ng mga alegasyon ng unexplained wealth at maling deklarasyon sa SALN.