Inilunsad ng Schools Division Office (SDO) ng Ilagan City ang pagtatayo ng mga makeshift classroom sa mga malalayong komunidad upang mabawasan ang hirap na nararanasan ng mga estudyanteng kailangang maglakad o bumiyahe nang malayo upang makapasok sa paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Eduardo Escorpiso Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Ilagan City, sa isinagawang press conference ngayong Lunes, Nobyembre 9, sa SDO Building, sinabi nitong unang ipinatupad ang programa sa Sitio Lagis.
Mula sa orihinal na 17 estudyante, umabot na sa 25 ang bilang ng mga mag-aaral na kasalukuyang nakikinabang sa programa at pinangangasiwaan ng tatlong permanent teachers.
Bagama’t naka-enroll ang mga bata sa isang opisyal na paaralan, sa mismong barangay o sitio na sila nagkaklase upang hindi na kailangang maglakad o bumiyahe nang malayo para lamang makapag-aral.
Tiniyak naman ni Dr. Escorpiso na ipagpapatuloy at pananatilihin ng SDO Ilagan City ang programa sa mga susunod na taon.
Target din ng tanggapan na susunod na magtayo ng makeshift classroom sa Sitio Coop upang mas marami pang kabataang naninirahan sa malalayong lugar ang mabigyan ng mas madali at ligtas na access sa edukasyon.











