Nanawagan ang mga senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado at nanganganib dahil sa El Niño.
Nakasaad ito sa Senate Resolution No. 765 na inihain sa ilalim ng 20th Congress, Second Regular Session.
Layunin ng panukala na mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan, partikular sa sektor ng agrikultura at suplay ng tubig, gayundin ang agarang pagpapalabas ng pondong nakalaan para sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad sa ilalim ng 2026 national budget.
Batay sa Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of calamity batay sa rekomendasyon ng NDRRMC at pagsusuri sa lawak ng epekto ng kalamidad.
Kabilang sa mga maaaring ipatupad ang price ceiling, pagsugpo sa overpricing at hoarding, pagkukumpuni ng mga pampublikong pasilidad at pagbibigay ng pautang na walang interes sa mga lubhang maaapektuhang sektor.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Win Gatchalian, Vicente “Tito” Sotto III, Juan Miguel “Migz” Zubiri, Alan Peter Cayetano, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Pia Cayetano, JV Ejercito, Chiz Escudero, Christopher Lawrence “Bong” Go, Risa Hontiveros, Ping Lacson, Lito Lapid, Imee Marcos, Robin Padilla, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Camille Villar at Mark Villar.











