--Ads--

Sugatan ang isang 17-anyos na pedestrian matapos masagi ng isang sasakyang nagsasagawa umano ng U-turn sa Barangay Turayong, Cauayan City, Isabela, bago umalis ang driver sa lugar ng insidente nitong Nobyembre 10.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, dakong alas-6:50 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa isang barangay road habang nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada.

Sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng sasakyan ang kalsada patungong silangan nang magsagawa ito ng U-turn.

Habang nagmamaniobra, aksidenteng nasagi nito ang pedestrian at natamaan ang kaliwang binti ng biktima na nagresulta sa physical injuries.

--Ads--

Sa halip na huminto at alamin ang kalagayan ng biktima, nagpatuloy umano sa pagmamaneho ang driver patungong kanluran, sa direksiyon ng Schools Division Office o SDO Cauayan City.

Dahil dito, hinabol ng biktima ang sasakyan hanggang sa maabutan ito sa harapan ng SDO Cauayan City, na tinatayang 300 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Kinilala ang driver bilang isang 36-anyos na lalaki at residente ng Barangay San Fermin, Cauayan City.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang driver habang dinala naman sa himpilan ang sangkot na sasakyan para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Inihahanda na ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries at paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code.