Nagkaloob ang Japan ng 4.3 billion yen o katumbas ng humigit-kumulang ₱1.7 bilyong tulong pangseguridad sa Pilipinas, kabilang ang coastal radar system para sa Philippine Navy at mga drone para sa Philippine Air Force.
Pormal na nilagdaan ang kasunduan nitong Nobyembre 9 sa pagitan nina Japanese Ambassador to the Philippines Katsuro Kitagawa at Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro sa Maynila.
Ayon sa Japanese Ministry of Foreign Affairs, bahagi ito ng Fiscal Year 2026 Official Security Assistance o OSA program ng Japan.
Sa ilalim ng kasunduan, bibigyan ang Philippine Navy ng coastal radar system habang pagkakalooban naman ang Philippine Air Force ng unmanned aerial vehicles o UAVs na gagamitin sa monitoring at surveillance operations.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong maglilipat ang Japan ng mga kagamitang pangdepensa sa Pilipinas sa ilalim ng OSA program.
Inaasahang mapalalakas ng naturang tulong ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines na subaybayan ang mga karagatan, partikular ang mahahalagang maritime areas sa South China Sea at Luzon Strait.
Ayon sa Japan, mahalaga ang estratehikong lokasyon ng Pilipinas sa mga pangunahing ruta ng kalakalan sa karagatan kaya kabilang ito sa mga katuwang ng bansa sa pagsusulong ng seguridad at katatagan sa rehiyon.
Layunin din ng kasunduan na higit pang patatagin ang ugnayang pangseguridad ng Pilipinas at Japan.











