Kanselado ang mahigit 200 flights sa Portugal habang nagsara ang mga paaralan, supermarket at daan-daang establisimyento dahil sa malakas na pag-ulan at hanging dala ng Storm Charles nitong Miyerkules.
Bilang paghahanda, isinailalim sa heightened alert ang mga emergency services at mga yunit ng militar, sinuspinde ang klase at ilang operasyon ng pamahalaan, at pinayuhan ang publiko na manatili muna sa loob ng kanilang mga tahanan.
Ayon sa Portugal weather service na IPMA, humina ang bagyo matapos mahati sa dalawa ang sentro nito habang nasa Atlantic Ocean. Gayunman, inaasahan pa rin ang malakas na pag-ulan sa southern Portugal at Lisbon.
Nauna nang nanalasa ang bagyo sa Madeira archipelago na nagdulot ng pagbaha at pagkatumba ng mga puno. Isang lalaki rin ang nasagip matapos tangayin ng rumaragasang tubig nang pasukin ng baha ang kaniyang garahe.
Samantala, inaasahan ding mararanasan sa southwestern Spain ang epekto ng bagyo, kung saan nagbabala ang weather authorities sa posibleng matinding pag-ulan, malalakas na hangin at alon.
Patuloy rin ang paglikas sa mahigit 3,000 residente sa Piedralaves, central Spain, dahil sa panganib na umapaw ang isang dam kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan.










