Magbubukas ang Philippine Air Force ng recruitment para sa Officer Candidate Course Class 2028 mula Nobyembre 20 hanggang 23, 2026 para sa mga kwalipikadong Pilipinong nagnanais maging opisyal ng nasabing sangay ng sandatahang lakas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina 2Lt. Nelson Sales, Director ng Civil Military Operations ng Tactical Operations Group 2, at Airwoman Nujalle Tenorio, Admin Personnel ng TOG 2, ipinaliwanag ng mga ito ang mga kwalipikasyon at requirements para sa mga interesadong aplikante.
Ayon kay Tenorio, maaaring mag-apply ang mga natural-born o naturalized Filipino citizen, lalaki man o babae, basta’t hindi pa kailanman nag-asawa at nagkaanak, nakapagtapos ng bachelor’s degree sa mga priority course na itinakda ng Philippine Air Force at may mabuting asal o good moral character.
Dapat ding walang derogatory record ang aplikante, makapasa sa physical at medical examination at mabigyan ng Physical Profile 1 o P1 ng PAF Medical Board.
Kinakailangan ding may barefoot height na hindi bababa sa 152.4 centimeters o limang talampakan para sa kapwa lalaki at babae. Para naman sa mga aplikanteng kabilang sa Indigenous Cultural Communities o Indigenous Peoples na hindi nakaaabot sa minimum height requirement, kailangang kumuha ng sertipikasyon mula sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP na pirmado ng Regional Director.
Sa usapin naman ng edad, dapat ay hindi bababa sa 20 at hindi lalampas sa 27 taong gulang sa petsa ng appointment.
Samantala, kabilang sa mga paunang requirements ang Transcript of Records o diploma, PSA-issued birth certificate at latest 2×2 picture na nakasuot ng puting damit na may kuwelyo at puting background. Kailangan ding isumite ang APFSAT certification para sa mga nakapagsagawa na ng naturang pagsusulit, kabilang ang mga kumuha nito sa Philippine Army o Philippine Navy.
Ayon kay 2Lt. Sales, maaaring mag-apply ang mga nagtapos ng mga kursong kabilang sa priority courses na itinatakda ng Philippine Air Force. Ang recruitment ay isasagawa sa buong bansa, alinsunod sa mga pangangailangan at quota na itinakda ng kanilang headquarters.
Isasagawa naman ang aplikasyon sa pamamagitan ng Philippine Air Force Recruitment Information System o PAFRIS. Maaaring magtungo ang mga interesadong aplikante sa https://jointhepaf.airforce.mil.ph upang gumawa ng account, kumpletuhin ang personal information, pumili ng preferred processing center at i-upload ang mga kinakailangang dokumento.
Wala pa namang inilalabas na petsa para sa aktuwal na qualifying examination na iaanunsyo sa official Facebook page ng Philippine Air Force.
Aniya, maaari rin namang mag-apply ang mga kasalukuyang enlisted personnel ng Philippine Air Force basta’t pasok sa itinakdang age requirement at nakapagtapos ng bachelor’s degree.
Samantala, may exemption sa qualifying examination para sa mga licensed criminologists, basta’t makapagsusumite ng mga kinakailangang dokumento. Kabilang dito ang fully accomplished PAF Application Form na naproseso sa PAF Processing Center at ang pagsailalim sa Limited Physical Examination, Transcript of Records at diploma, PSA-issued birth certificate, criminologist licensure examination rating mula sa PRC at valid PRC identification card.
Kailangan ding magsumite ng certification of government service kung mayroon, certificate of work experience na may kaugnayan sa criminology, gayundin ng mga sertipiko ng seminars, trainings, awards at recognition na may kaugnayan sa pagsasagawa ng propesyon.
Hinikayat naman ng mga kinatawan ng TOG 2 ang mga interesadong aplikante na subaybayan ang official Facebook page ng Philippine Air Force at Tactical Operations Group 2 para sa karagdagang impormasyon at mga susunod na anunsyo hinggil sa recruitment.











