--Ads--

Nakatakdang magharap ang defense team ni Vice President Sara Duterte ng hindi bababa sa walong karagdagang testigo sa nagpapatuloy na impeachment trial upang patunayan ang kanilang depensa kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.

Ayon kay defense counsel Michael Poa, pinabibilis na nila ang presentasyon ng mga ebidensiya sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Sinabi ni Poa na mayroon silang dalawang buong araw ng paglilitis sa susunod na linggo matapos ang pansamantalang paghinto ng impeachment proceedings dahil sa pagdaraos ng 49th ASEAN Summit at Related Summits.

Layunin ng depensa na malaman kung matatapos nila ang presentasyon ng kanilang mga testigo bago matapos ang susunod na linggo upang hindi maputol ang daloy ng kanilang testimonya dahil sa panibagong recess para sa deliberasyon ng 2027 national budget.

--Ads--

Paliwanag ni Poa, nais nilang maiwasan ang mahabang pagkaantala na maaaring makaapekto sa pag-unawa ng mga senador-hukom at publiko sa kanilang mga inilalahad na ebidensiya.

Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na inaasahan nilang kabilang sa mga ihaharap na testigo ng depensa ang isa o dalawang forensic expert, katulad ng naging saksi ng prosecution team sa pagtatapos ng presentasyon nito ng mga ebidensiya.