Patay ang 14 na indibidwal habang 30 iba pa ang nasugatan matapos masangkot sa isang malagim na aksidente ang 18 sasakyan at limang truck sa Emirate of Fujairah sa United Arab Emirates.
Ayon sa UAE Interior Ministry, naganap ang aksidente ilang sandali bago maghatinggabi nitong Miyerkules, sa entrance ng nasabing emirate.
Batay sa paunang impormasyon, nawalan umano ng kontrol ang driver ng isang truck at bumangga sa isa pang sasakyan, dahilan upang mawalan din ng kontrol ang mga ito at sumalpok sa ilang sasakyang nakahinto dahil sa mabagal na daloy ng trapiko.
Nagliyab ang truck at mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang mga sasakyan.
Sa 30 nasugatan, 15 ang nakalabas na sa ospital matapos malapatan ng lunas, habang nananatiling naka-confine ang 15 iba pa.
Kinumpirma naman ng pulisya na kabilang sa 14 na nasawi ang mga Emirati national at ilang dayuhan. Isinasagawa na ang DNA testing upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Kabilang sa mga nasugatan ang mga mamamayan ng UAE, Oman, India, Brazil, Pakistan, Jordan at Egypt.











