Nasawi ang dalawang garbage collector matapos araruhin ng isang sasakyan ang garbage truck habang nagsasagawa ng pangongolekta ng basura sa kahabaan ng National Highway, Barangay San Formingo, bayan ng Santa Isabela, dakong alas-9:30 ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pansamantalang nakahinto sa gilid ng kalsada at nakaharap sa direksyong timog ang garbage truck nang mangyari ang aksidente.
Nasa likurang bahagi ng truck ang dalawang garbage collector habang hinihintay na mailabas ang mga basurang manggagaling sa isang restaurant nang dumating ang isang sasakyang bumabagtas sa kaparehong direksyon.
Ayon sa pulisya, sinalpok ng nasabing sasakyan ang likurang bahagi ng garbage truck kung saan naroroon ang dalawang manggagawa.
Dahil sa lakas ng impact naipit ang dalawang garbage collector sa likurang bumper ng truck, dahilan upang magtamo ang mga ito ng matitinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Rescue 922 upang bigyan ng paunang lunas ang mga biktima bago isinugod sa magkahiwalay na pagamutan.
Gayunman, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang dalawang garbage collector at kapwa idineklarang dead on arrival ng kani-kanilang attending physician.
Samantala, kapwa nagtamo ng pinsala ang garbage truck at ang nakabanggang sasakyan, bagama’t hindi pa matukoy ang halaga ng pinsalang idinulot ng aksidente.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Cauayan Component City Police Station ang mga sasakyang sangkot sa insidente para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at ang posibleng pananagutan ng driver ng nakabanggang sasakyan.











