Umakyat na sa 8 katao ang nasawi habang hindi bababa sa 17 iba pa ang nasugatan matapos gumuho ang isang three-story apartment building sa Flatbush area ng Brooklyn, New York, nitong Miyerkules.
Kinumpirma ni New York City Mayor Zohran Mamdani nitong Huwebes ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa lugar.
Kabilang sa mga nasugatan ang tatlong bumbero, habang apat naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa ulat, gumuho ang gusaling itinayo noong dekada 1930 bandang alas-4 ng hapon at bumagsak sa katabing construction site kung saan isinasagawa ang excavation work.
Pitong bata ang kabilang sa mga naapektuhan ng insidente, subalit hindi pa matukoy kung may mga bata sa mga nasawi.
Patuloy ang paghahanap ng mga rescue team sa posibleng mga na-trap sa ilalim ng mga guho. Ayon sa New York City Fire Department, maaaring abutin pa ng ilang araw ang pagsisiyasat sa buong lugar dahil hindi pa matukoy kung ilan ang nawawala.
Umabot naman sa 250 fire at emergency medical personnel ang ipinakalat sa lugar upang tumulong sa operasyon.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagguho ng gusali.











