Nakatakdang simulan ng International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng umano’y malawakang pagpatay at tangkang pagpatay sa Pilipinas.
Ayon sa ICC, gaganapin ang pagbubukas ng paglilitis sa ganap na alas-10 ng umaga, oras sa The Hague, Netherlands, sa ilalim ng Trial Chamber III.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity na may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay noong panahon ng kaniyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng bansa.
Kabilang dito ang mga pagpatay sa Davao City mula 2013 hanggang Hunyo 2016, pagpatay sa mga tinaguriang high-value targets sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017, at mga pagpatay at tangkang pagpatay kaugnay ng barangay clearance operations mula Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2018.
Sa unang bahagi ng paglilitis, titiyakin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga kasong isinampa laban sa kaniya at tatanungin kung aamin siya o magpapahayag ng not guilty plea.
Susundan ito ng opening statements mula sa prosekusyon, mga kinatawan ng mga biktima at, kung nanaisin, ng kampo ng depensa.
Inaasahang maghahain din ng mga testigo ang prosekusyon matapos ang opening statements, bago bigyan ng pagkakataon ang depensa na ilahad ang kanilang panig at magharap ng sariling mga testigo.
Nakatakdang mamuno sa Trial Chamber III sina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Matatandaang isinuko si Duterte sa ICC noong Marso 12, 2025, matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kaniya. Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang lahat ng kasong isinampa laban sa dating pangulo at iniakyat ang mga ito sa paglilitis.
Noong Oktubre 8, 2026, nagpasya rin ang ICC na fit to stand trial si Duterte.
Maaaring mapanood ang paglilitis sa pamamagitan ng livestream sa opisyal na website, Facebook at YouTube accounts ng ICC, na may 30-minutong delay.











