Hinikayat ng Philippine Red Cross – Santiago City Chapter ang publiko na makiisa sa isasagawang Dugong Bombo 2026 ngayong araw, Nobyembre 14, sa F.L. Dy Coliseum sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dessa May Manaois, Chapter Service Representative ng National Blood Service ng Philippine Red Cross – Santiago City Chapter, sinabi nitong target nilang makalikom ng mahigit 250 blood bags upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Ipinaalala rin ni Manaois ang mga kinakailangang paghahanda bago mag-donate, kabilang ang pagkain nang maayos, pag-inom ng sapat na tubig at pagkakaroon ng hindi bababa sa anim na oras na tuloy-tuloy na tulog.
Kabilang naman sa mga kwalipikadong blood donor ang mga indibidwal na edad 16 pataas at may timbang na hindi bababa sa 50 kilograms. Kinakailangan lamang ang pahintulot ng magulang o guardian para sa mga donor na edad 16 at 17.
Nilinaw rin nito na hindi awtomatikong hadlang sa blood donation ang pagkakaroon ng menstruation sa mga babae, basta’t pasok sa kinakailangang hemoglobin level at nasa maayos na kondisyon ang kanilang katawan.
Samantala, ipinaliwanag ni Manaois na dumaraan muna sa screening ang bawat donor, kabilang ang pagsusuri sa vital signs, hemoglobin level at medical history, upang matiyak na ligtas silang makapag-donate ng dugo.
Binigyang-diin din nito na ang kakulangan sa suplay ng dugo ay isa sa mga hamong kinakaharap ng kanilang tanggapan, lalo na kung kakaunti ang mga taong handang mag-donate.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang mga first-time blood donors na huwag matakot at samantalahin ang pagkakataong makatulong sa pagliligtas ng buhay ng ibang tao.
Ang Dugong Bombo 2026 ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng Bombo Radyo at Philippine Red Cross bilang bahagi ng pagsusulong ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo.











