Patuloy ang konstruksyon ng Ipil Parallel Bridge sa Barangay Ipil, Echague, Isabela na pinondohan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Echague Mayor Faustino “Inno” Dy, sinabi nitong target na matapos ang proyekto sa Enero 2027 matapos simulan ang konstruksyon noong Enero 2026.
Ayon sa alkalde, matagal nang naaapektuhan ang mga motorista dahil mahigit isang taon nang hindi pinapayagang dumaan ang mga mabibigat na sasakyan sa Ipil Bridge bunsod ng mga nakitang depekto na posibleng dulot na rin ng katandaan ng tulay.
Inaasahang makatutulong ang bagong parallel bridge upang mapabilis at maging mas ligtas at maginhawa ang biyahe, partikular para sa mga motorista, negosyante at magsasaka.
Naglaan ng ₱184.9 milyon para sa proyekto, na ipinagkaloob sa Advance Foundation Construction Systems bilang contractor.
Dagdag pa ni Mayor Dy, tinanong niya ang DPWH hinggil sa kwalipikasyon ng naturang kumpanya. Tiniyak naman umano ng ahensya na eksperto ito sa paggawa ng mga tulay at mayroon nang mga katulad na proyekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.











