--Ads--

Nanawagan ang local na opisyal ng Rena Mercedes, Isabela sa mga kinauukulan partikular kay Isabela Governor Rodito Albano na tapusin na ang ilang taon ng construction ng Turod-Bangquero Bridge.

Ayon kay Vice Mayor Harold Respicio ng Reina Mercedes, ilang taon at ilang election cycle na umanong hinihintay ng mga residente ang pagkumpleto ng naturang tulay.

Aniya noong nakaraang taon, matapos siyang maupo sa kanyang posisyon, personal siyang nagtungo sa lugar at kinausap ang mga contractor upang alamin kung kailan matatapos ang proyekto.

Ayon umano sa mga contractor, target na matapos ang tulay noong Disyembre, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos.

--Ads--

Binigyang-diin ni Vice Mayor Respicio na nakakadismaya ang paulit-ulit na pangako ng mga kinauukulan dahil hindi umano ito nasusundan ng aktuwal na pagkumpleto ng proyekto.

Aniya, nais sana niyang imbitahan sa isang hearing ng Sangguniang Bayan ang mga contractor at iba pang responsable upang maipaliwanag ang pagkaantala at mapanagot sa publiko.

Gayunman,limitado lamang ang kapangyarihan ng Sangguniang Bayan kumpara sa mga congressional committee dahil wala umano itong kapangyarihang mag-compel ng attendance sa mga iniimbitahang resource person.

Binanggit din niya ang mga naging karanasan ng lokal na pamahalaan sa pag-iimbita sa mga kinatawan ng DPWH kaugnay ng ilang natuklasang ghost projects sa Reina Mercedes, Isabela subalit wala umanong dumalo sa mga pagdinig.

Nanawagan naman si Respicio sa mga national at local government officials na kumilos upang matiyak ang agarang pagkumpleto ng tulay, lalo na’t mahalaga ito sa mga residenteng umaasa rito para sa kanilang pagbiyahe at paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan.

Matatandaan na taong 2018 nang masira ang Turod -Bangquero Bridge na pinondohan ng 192 million sa ilalim ng panganagsiwa ng EGB construction na may orihinal na contract duration na 431 calendar days.

Dahil sa sira parin ang tulay sa kabila ng paulit-ulit na pangakong aayusin maraming mga residente ang peligrosong itinatawid sa ilog ang kanilang mga sasakyan gaya ng tricycle, motorsiklo at kuliglig gamit lamang ang bangka.