--Ads--

Nagpahayag ng kasiyahan ang mga kasapi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan sa kanilang pakikibahagi sa Dugong Bombo 2026 sa pamamagitan ng boluntaryong pag-donate ng dugo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCInsp. Susan Encarnacion, Jail Warden ng BJMP Cauayan, sinabi nitong nakagagaan ng pakiramdam ang makapagbahagi ng dugo at makatulong sa mga taong nangangailangan nito.

Binigyang-diin niya na hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad at pangangalaga sa mga persons deprived of liberty (PDL) ang kanilang tungkulin, kundi kabilang din sa kanilang mandato ang pakikilahok sa mga programang pangkomunidad at mga aktibidad na naglalayong makatulong sa kapwa.

Ayon pa kay Encarnacion, nagsisilbing paraan ang blood donation drive upang maipakita ng kanilang hanay ang malasakit at dedikasyon sa paglilingkod hindi lamang sa loob ng mga piitan kundi maging sa mas malawak na komunidad.

--Ads--

Nasa anim na tauhan ng BJMP Cauayan ang nakapag-donate ng dugo, habang hindi naman nakadalo ang iba dahil sa kanilang shifting schedule.

Umaasa rin si Encarnacion na mas marami pang indibidwal at organisasyon ang mahihikayat na makibahagi sa mga blood donation activity, dahil malaking tulong ang bawat boluntaryong donasyon sa pagliligtas ng buhay.

Nagpasalamat din siya sa Bombo Radyo Philippines sa patuloy na pagsasagawa ng ganitong aktibidad na nagbibigay ng malaking pakinabang sa mga mamamayang nangangailangan ng dugo.