--Ads--

Binigyang-pagkilala ng Philippine Red Cross-Isabela Chapter ang Bombo Radyo Cauayan sa pamamagitan ng paggawad ng Plaque of Recognition bilang pagpapahalaga sa naging suporta at pakikipagtulungan ng himpilan sa matagumpay na pagsasagawa ng Blood Donation Activity.

Iginawad ang pagkilala ngayong Nobyembre 14, 2026 sa FLDY Coliseum sa Cauayan City, Isabela, kasabay ng nationwide Dugong Bombo blood letting activity.

Kabilang sa mga kinilala ng Philippine Red Cross ang mahalagang papel ng Bombo Radyo Cauayan sa pagsusulong ng boluntaryong pagbibigay ng dugo at pagpapalaganap ng kamalayan sa kahalagahan nito sa pagliligtas ng buhay.

Samantala, naging makabuluhan ang pagsasagawa ng Dugong Bombo 2026 ngayong araw sa Cauayan City matapos makiisa ang iba’t ibang indibidwal at grupo sa boluntaryong pagdo-donate ng dugo.

--Ads--

Kabilang sa mga donor si Ginang Roslyn Barrientos, ang pinakaunang nakapag-donate sa aktibidad, na hinikayat ang publiko, lalo na ang mga first-time donor, na huwag matakot na magbigay ng dugo dahil maaari itong makapagligtas ng buhay.

Samantala, umabot na sa ika-20 matagumpay na blood donation si Ginang Rizalina Madriaga Balacano, na nagsimulang mag-donate noong 2004 matapos mangailangan ng dugo ang kanyang anak na nagkasakit ng dengue.

Naging inspirasyon din ni Ginang Scarlet Roces ng San Luis, Cauayan City ang dating pagtanggap ng tulong mula sa isang blood donor nang maaksidente ang kanyang mister, dahilan upang regular na rin siyang mag-donate bilang paraan ng pagbabalik ng kabutihang natanggap.

Nakiisa rin sa aktibidad ang anim na tauhan ng BJMP Cauayan sa pangunguna ni JCInsp. Susan Encarnacion, na nagpahayag ng kasiyahan sa pagkakataong makatulong sa komunidad sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo.

Nagkakaisa naman ang mga donor sa panawagang patuloy na makilahok ang publiko sa blood donation activities dahil ang isang boluntaryong donasyon ay maaaring maging susi sa pagliligtas ng buhay.