Umaabot na sa mahigit 158,000 katao, kabilang ang mga kilalang personalidad sa industriya ng teknolohiya gaya nina Elon Musk at Uber co-founder Travis Kalanick, ang lumagda sa isang open letter na nananawagan na ibalik si Jensen Huang bilang chief executive officer ng Nvidia.
Sa kanilang liham, hinimok ng mga lumagda ang board of directors ng kumpanya na muling italaga si Huang habang isinasagawa ang isang malayang imbestigasyon upang matukoy ang mga totoong pangyayari sa likod ng mga alegasyon laban sa kaniya.
Nagbitiw si Huang nitong Huwebes matapos ang 33 taong pamumuno sa kompanyang kaniyang itinatag, kasunod ng mga ulat tungkol sa dalawa niyang extramarital affair, kabilang ang isa sa isang babaeng inakusahang espiya ng China at isa naman sa isang empleyado ng kumpanya.
Kabilang din sa mga sumuporta sa panawagan ang mahigit 7,500 empleyado ng Nvidia, o katumbas ng 18 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga manggagawa nito.
Giit naman ni Kalanick, bagama’t nagkamali si Huang, hindi umano sapat ang naturang mga isyu upang tuluyan siyang ihiwalay sa kumpanyang kaniyang itinayo.
Sa kabilang banda, naniniwala si US Treasury Secretary Scott Bessent na dapat humanap ang Nvidia ng bagong CEO mula sa labas ng kumpanya at magsagawa ng malawakang pagbabago sa pamunuan.









