--Ads--

Hinikayat ng Public Employment Service Office (PESO) Isabela ang mga jobseekers at mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na samantalahin ang mga oportunidad na ihahandog sa Mega Job Fair na nakatakdang isagawa sa Nobyembre 19, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Manager Cecilia Claire Reyes, sinabi nitong gaganapin ang aktibidad sa The Capital Arena sa City of Ilagan, Isabela, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ayon kay Reyes, inaasahang lalahok sa job fair ang mga jobseekers, professionals at skilled workers na naghahanap ng trabaho sa loob at labas ng bansa.

Mag-aalok umano ng daan-daang bakanteng trabaho sa pamamagitan ng mga recruitment agency at kumpanyang lisensyado ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE).

--Ads--

Bukod sa mga oportunidad sa trabaho, magtatampok din ang aktibidad ng one-stop shop kung saan maaaring makakuha ang mga aplikante ng iba’t ibang serbisyo at tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan, partikular para sa mga naghahanda na magtrabaho sa ibang bansa.

Pinayuhan naman ang mga interesadong lumahok na magdala ng sapat na kopya ng kanilang updated resume o curriculum vitae, valid identification card, pasaporte kung mayroon, diploma, transcript of records, training certificates at ballpen upang mapabilis ang proseso ng kanilang aplikasyon.

Samantala, nagpaalala ang DMW sa mga jobseeker na tiyaking lehitimo at may kaukulang lisensya ang mga recruitment agency na kanilang lalapitan upang hindi mabiktima ng illegal recruitment at iba pang uri ng panloloko.

Binigyang-diin din ng ahensya na walang dapat bayarang placement fee ang mga aplikanteng lalahok sa job fair.

Dahil dito, pinayuhan ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sa sinumang recruitment agency o indibidwal na manghihingi ng bayad kapalit ng pagproseso ng kanilang aplikasyon.