--Ads--

Paiigtingin ng binuong task force sa Cauayan City ang pagbabantay at inspeksiyon sa mga gasolinahan upang matiyak na maayos at napapanahong naipatutupad ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, hepe ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niyang nagtipon na kahapon ang mga miyembro ng task force upang talakayin ang mga hakbang at paghahanda para sa isasagawang inspeksiyon sa mga gasolinahan sa lungsod.

Nabuo ang task force kasunod ng mga kumakalat na impormasyon at reklamo na may ilang gasolinahang umano’y hindi agad nagpapatupad ng kaukulang bawas-presyo tuwing may oil price rollback, subalit mabilis namang nagdaragdag ng presyo kapag may oil price hike.

Layunin ng grupo na matiyak na sumusunod ang lahat ng gasolinahan sa umiiral na presyo at mga patakaran kaugnay ng pagbabago sa halaga ng petrolyo, gayundin na maprotektahan ang mga mamimili laban sa anumang posibleng iregularidad.

--Ads--

Bago ang isasagawang inspeksiyon ngayong araw, nagsagawa muna ang task force ng price monitoring at data entry upang maitala at maikumpara ang presyo ng mga produktong petrolyo kahapon at ngayong araw, kasunod ng ipinatupad na rollback.

Ayon kay Mallillin, ang mga gasolinahang mapatutunayang lumabag ay papatawan ng show cause order at maaari ring mawalan ng business permit.

Dahil dito, nanawagan siya sa publiko na maging mapagmatyag at huwag mag-atubiling magsumbong sa kinauukulan kung may matukoy na gasolinahang hindi agad nagpapatupad ng nararapat na bawas-presyo.

Hinimok din nito ang mga motorista at mamimili na maging katuwang ng task force sa pagbabantay upang matiyak na napakikinabangan ng publiko ang bawat rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo at hindi naaabuso ng ilang negosyante.