Patuloy ang isinasagawang random inspection ng Public Order and Safety Division sa mga gasolinahan sa Lungsod ng Cauayan upang masuri kung nakasunod ba ang mga ito sa ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na kinakailangan nilang kunin ang dating presyo ng mga gasolinahan at ang kasalukuyang presyo nito matapos ang ipinatupad na rollback ngayong araw upang matukoy kung talaga bang nagbaba sila ng presyo.
Aniya, batay sa kanilang monitoring sa ilang mga gasolinahan, tila kaunti lamang ang naibawas sa presyo na kung tutuusin ay malaki sana ang natapyas lalo na sa diesel na nasa ₱24 ang bawas sa presyo.
Dahil sa isinagawa nilang pagmomonitor ay natigil naman umano ang hoarding at profiteering ng langis lalo na at marami naman nang suplay sa bansa.
Samantala, pinayuhan naman ng Cauayan City Medical Officer ang mga personal ng Public Order and Safety Division na ugaliing uminom ng tubig upang maiwasan ang dehydration lalo na at kinakailangan nila minsang magtrabaho sa arawan.
Kada linggo ring sinusuri ang kanilang blood pressure upang matiyak na nasa maayos ang kanilang kalusugan bago magtrabaho.
Bagama’t may mga traffic lights sa Lungsod ng Cauayan, kinakailangan pa rin ng mga traffic enforcer upang matiyak na maging maayos ang daloy ng trapiko sa Lungsod.
Magkakaroon din ng relyebo kada 20 minuto upang mabigyang matiyak na hindi mabilad nang husto sa araw ang kanilang mga personnel.










