--Ads--

Pormal nang ipinasa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Singapore ang pamumuno sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa 2027, kasunod ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Personal na iniabot ni Marcos kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong ang gavel na sumisimbolo sa paglilipat ng chairship ng 11-miyembrong regional bloc.

Sa kaniyang talumpati sa closing ceremony, hinimok ni Marcos ang mga lider ng ASEAN na tiyaking mararamdaman ng mga mamamayan ang mga benepisyo ng pag-unlad at mga napagkasunduan ng samahan.

Binigyang-diin din niya na hindi lamang dapat nakabatay sa mga desisyon ng mga lider ang tagumpay ng ASEAN, kundi sa aktuwal na pagkilos at pakikiisa ng mga opisyal, negosyo, civil society, kabataan at mga komunidad.

--Ads--

Sa isang press conference, ipinahayag ni Marcos ang kasiyahan sa naging resulta ng tatlong araw na summit, kabilang ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement.

Samantala, nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Pangulo sa pamumuno ng Singapore sa ASEAN sa susunod na taon, na inaasahan niyang magpapatuloy sa pagpapalakas ng regional cooperation.

Ayon kay Wong, naging mahirap ang taong 2026 para sa rehiyon at sa buong mundo, subalit nanatiling nagkakaisa ang ASEAN at patuloy na nagsulong ng mga layunin nito sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas.

Naging bahagi rin ng closing ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay City ang pagtatanghal nina Gary Valenciano at SB19 na umawit ng opisyal na theme song ng summit na “Together in Motion.”

Naging tampok din ang pagsayaw ni Timor-Leste Prime Minister Kay Rala Xanana Gusmão kasama ang mga performer, na ikinatuwa ng mga lider at panauhin.

Samantala, nakatakdang pamunuan ng Timor-Leste ang ASEAN sa 2029.