Kinilala ni United Nations (UN) Secretary-General António Guterres ang Pilipinas bilang isang “Pillar of Multilateralism” o mahalagang haligi sa pagsusulong ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansa sa buong mundo.
Ang pagkilalang ito ay ibinahagi ni Guterres sa pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, sa sidelines ng ika-49 na ASEAN Summit sa Maynila.
Tinalakay ng dalawa ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at United Nations, partikular sa pagsusulong ng international law, kapayapaan at seguridad, gayundin ang pagtugon sa climate change.
Ibinahagi rin ng Pangulo ang mga naging pag-unlad sa proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at muling tiniyak ang pangako ng Pilipinas na palakasin ang pakikipagtulungan sa United Nations.
Nagpasalamat naman si Marcos kay Guterres sa kanyang pamumuno at pagsusulong ng mga programa para sa pangangalaga ng klima.
Samantala, pinuri ni Guterres ang aktibong pakikilahok ng Pilipinas sa mga usaping pandaigdig at binigyang-diin ang mahalagang papel ng ASEAN at ang pangangailangan ng mga reporma sa United Nations.
Ang naturang pagpupulong ang huling pagdalo ni Guterres sa ASEAN Summit bilang UN Secretary-General bago matapos ang kanyang termino sa Disyembre 31, 2026.











