--Ads--

Nagpahayag ng pagtutol ang mga lider ng Australia, India, Japan at United States sa mga tinawag nilang unilateral at destabilizing actions na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Ito ang naging sentro ng pagpupulong ng Quadrilateral Security Dialogue o QUAD sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Maynila.

Dumalo sa pulong sina US President Donald Trump, Australian Prime Minister Anthony Albanese, Indian Prime Minister Narendra Modi at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.

Sa kanilang joint statement, iginiit ng apat na lider ang pagtutol sa anumang hakbang na naglalayong baguhin ang kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon sa pamamagitan ng puwersa o pamimilit, dahil maaari umano itong magpalala ng tensyon at makasira sa regional stability.

--Ads--

Nagpahayag din sila ng pagkabahala sa economic coercion, kabilang ang umano’y arbitraryong paghihigpit sa pag-export ng mga produkto.

Muling pinagtibay ng QUAD ang kanilang pangakong pangalagaan ang malaya, ligtas at matatag na mga rutang pandagat sa Indo-Pacific, gayundin ang seguridad ng mahahalagang supply chain at kalayaan sa paglalayag at paglipad.

Kabilang din sa mga napagkasunduan ang pagpapalawak ng kooperasyon sa artificial intelligence, cybersecurity, maritime surveillance at pagtugon sa mga kalamidad.

Inanunsyo rin ng apat na bansa ang pagsasagawa sa susunod na taon ng kauna-unahang Quad Business Leaders’ Forum upang palakasin ang ugnayan ng mga negosyo at pribadong sektor ng mga kasaping bansa.

Samantala, muling iginiit ng mga lider ang kanilang suporta sa pagkakaisa at sentral na papel ng ASEAN sa rehiyon, gayundin ang pagsusulong ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific.