--Ads--

Nanawagan ng mas malaking suporta mula sa lokal na pamahalaan ang ilang estudyanteng kumakatawan sa Pilipinas sa mga pambansa at pandaigdigang kompetisyon matapos umanong hindi mapagbigyan ang kanilang aplikasyon para sa financial assistance.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Glenn Gabriel Castillejo, isang estudyante sa isang pribadong unibersidad sa lungsod, ibinahagi nitong nakadismaya at nakasakit sa kanilang kalooban ang umano’y pagtanggi sa kanilang aplikasyon dahil hindi sila residente o rehistradong botante sa Cauayan City.

Aniya, bagama’t hindi sila rehistrado sa lungsod, ang kanilang kinakatawan ay ang mismong Cauayan City at ang bansa sa mga kompetisyong kanilang nilalahukan.

Binigyang-diin ni Castillejo na malaking bagay sana ang tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan upang masuportahan ang kanilang paglahok sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa.

--Ads--

Umaasa rin siyang mabibigyang-pansin ang mga estudyante at kabataang nagsisikap na magdala ng karangalan sa kanilang lugar at sa Pilipinas upang lalo silang mahikayat na sumali sa iba’t ibang kompetisyon.