Pansamantalang ipagbabawal ang pangingisda at paglalayag ng mga sasakyang-pandagat sa ilang bahagi ng karagatan sa Aparri, Cagayan kaugnay ng isasagawang military exercises ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang subukan ang kakayahan ng bansa sa pagtatanggol sa mga baybayin.
Ayon sa abiso ng Philippine Coast Guard (PCG), ipatutupad ang no-sail zone sa karagatan malapit sa Fuga Island sa Nobyembre 21 at sa Barangay Dodan sa Nobyembre 24, 2026.
Bahagi ito ng Counter-Landing Live Fire Exercise na isasagawa ng Philippine Army sa ilalim ng ika-sampung AFP Joint Exercise Dagat-Langit-Lupa o AJEX DAGIT-PA 10-26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Eduardo “Ed” Rarugal, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nitong layunin ng pagsasanay na ipakita ang kakayahan ng militar at hasain ang kahandaan at koordinasyon ng Army, Air Force at Navy sa pagtugon sa mga posibleng banta.
Gagamitin sa pagsasanay ang iba’t ibang kagamitang militar, kabilang ang artillery, tanks at infantry troops, katuwang ang mga kakayahan ng Philippine Air Force at Philippine Navy.
Ayon kay Army Maj. Rarugal, napili ang Cagayan dahil kabilang ito sa mga posibleng entry point ng mga banta na maaaring pumasok sa Northern Luzon, kaya mahalagang maihanda ang mga tropa sa ganitong uri ng sitwasyon.
Saklaw naman ng restricted area sa karagatan ng Barangay Dodan ang tinatayang 7,212 ektarya, kung saan bawal munang pumasok ang mga sasakyang-pandagat at watercraft habang isinasagawa ang live-fire exercise.
Tiniyak ni Army Maj. Rarugal na makikipagtulungan ang Philippine Army sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy upang mamonitor ang mga lugar na sakop ng restriksyon at matiyak na walang mangingisda o sibilyang makapapasok sa mga ito.
Nilinaw din ng opisyal na bahagi ng taunang paghahanda ng Armed Forces of the Philippines ang naturang pagsasanay upang maging handa sa anumang posibleng contingency, anuman ang umiiral na tensiyon sa West Philippine Sea.











