--Ads--

Kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo na kabilang sa Small and Medium Enterprises (MSME) ang Cale88 Foods Corporation na iniuugnay kay Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.

Sa kaniyang testimonya sa ika-45 araw ng impeachment trial nitong Biyernes, sinabi ni Rodolfo na mas mababa sa ₱15 milyon ang project cost ng kumpanya kaya pasok ito sa MSME category.

Nilinaw din niyang sa Board of Investments (BOI) Extension Office sa Davao sinuri at inaprubahan ang aplikasyon ng Cale88 bilang export enterprise.

Ayon pa sa opisyal, hindi obligadong maglathala sa pahayagan ang kumpanya ng Certificate of Registration nito dahil kabilang ito sa MSME.

--Ads--

Samantala, iginiit ng defense team na taliwas ang testimonya ni Rodolfo sa naunang pagsusuri ni financial forensic expert Atty. Alex Cabrera na kumuwestiyon sa operasyon ng kumpanya.

Nauna nang iniulat ang ilang red flag sa Cale88, kabilang ang pagkakaroon lamang ng dalawang empleyado at pagtanggap ng ₱319 milyong remittance mula China. Gayunman, nilinaw ng dating AMLC official na si Atty. Rainer Dela Fuente na hindi awtomatikong nangangahulugan ng ilegal na aktibidad ang mga ito.