Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtataka siya sa mga ikinasang protesta laban sa Pax Silica initiative ng Estados Unidos, gayung wala pa umanong pormal na kasunduan o napipirmahan kaugnay nito.
Ayon sa pangulo, wala pa silang napagkakasunduan hinggil sa naturang inisyatiba kaya hindi niya umano nauunawaan ang mga pagtutol dito.
“Wala pa tayong pinag-usapan. Wala pa tayong pinirmahan,” paglilinaw ni Marcos.
Sa press conference nitong Biyernes, kasunod ng 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China, nilinaw din ng pangulo na hindi kabilang sa plano ang pagtatayo ng mga data center sa lugar na paglalagyan ng naturang proyekto.
Aniya, nakasentro ang inisyatiba sa artificial intelligence o AI at layong palawakin ang pagbuo ng mga produktong may kaugnayan sa nasabing teknolohiya.
Binigyang-diin din ni Marcos na pagkakataon ito para makibahagi ang Pilipinas sa paghubog ng pandaigdigang industriya ng AI sa halip na manatiling konsumer lamang ng mga produktong bunga nito.
Giit ng pangulo, mahalagang mamuhunan ang bansa sa nasabing teknolohiya upang hindi mapag-iwanan sa inaasahang direksiyon ng pandaigdigang ekonomiya sa mga susunod na taon.
Hinikayat din niya ang publiko na unawain ang mga naturang proyekto at inisyatiba, na ayon sa kanya ay maaaring magkaroon ng ambag sa ekonomiya ng Pilipinas, Timog-Silangang Asya at ng buong mundo.
Samantala, nitong mga nakaraang linggo, nagsagawa ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga grupong tumututol sa Pax Silica initiative dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan at likas na yaman.
Lalo pang umigting ang mga panawagan ng mga grupong ito kasabay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit at pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.











