--Ads--

Posibleng matapos sa loob ng isang taon ang kasong plunder na isinampa laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y flood control scam.

Ito ang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga akusado sa kaso, si Samchan Foreign Exchange Corp. President Felicito Guevarra.

Nauna nang hiniling ng prosekusyon ang pagkansela ng pasaporte ni Guevarra. Ayon kay Remulla, nagsauli rin ito ng humigit-kumulang P324 milyon sa gobyerno, na sinasabing kinita mula sa mga komisyon sa mga transaksyon.

Sinabi rin niya na nilagdaan na niya ang immunity agreement ni Guevarra kaya magsisilbi na itong state witness ng Ombudsman laban sa mga akusado.

--Ads--

Ayon kay Remulla, handa na ang kanilang mga ebidensiya kaya maaari nang simulan agad ang presentasyon ng mga testigo sa halip na magpatagal sa mga pagdinig.

Iginiit din niya na determinado silang maiwasan ang anumang delaying tactics upang mapabilis ang pag-usad ng kaso.

Nahaharap sina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.44 bilyon kaugnay ng umano’y diversion ng pondo para sa mga flood control project. Kapwa itinanggi ng dalawa ang mga paratang laban sa kanila.