--Ads--

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang agarang pagpasa ng mga panukalang batas na naglalayong magbigay ng tax relief sa mga manggagawa at maliliit na negosyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kabilang sa mga panukala ang pagtataas ng income tax exemption mula ₱250,000 hanggang ₱450,000 kada taon at pagtanggal ng 2% Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para sa mga micro at small enterprises.

Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang mga panukala upang madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawa at mabawasan ang gastusin ng maliliit na negosyo, lalo na sa harap ng pagtaas ng inflation na umabot sa 7.8% noong Oktubre.

Ipinaliwanag niya na ang kasalukuyang ₱250,000 income tax exemption ay itinakda pa noong 2017 sa ilalim ng TRAIN Law at nangangailangan nang maiakma sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin.

--Ads--

Samantala, sa ilalim ng panukalang pagtanggal sa 2% MCIT, mababawasan ang tax burden ng mga micro at small enterprises, na magbibigay sa kanila ng karagdagang pondo para sa operasyon, pagpapalago ng negosyo at pagpapanatili ng mga empleyado.

Giit ni Yamsuan, mahalagang mabigyan ng karagdagang kaluwagan sa buwis ang mga manggagawa at maliliit na negosyong patuloy na naaapektuhan ng pagtaas ng gastusin.