Mabibigyan na ng pagkakataong makapag-aral sa mga pribadong paaralan ang mga estudyanteng Pilipino mula sa mga pampublikong paaralang nakararanas ng siksikan sa pamamagitan ng government-funded vouchers, alinsunod sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay sa bisa ng Basic Education Voucher Assistance Act o Republic Act No. 12327 na nilagdaan ng Pangulo noong Nobyembre 12 at inilabas sa publiko nitong Biyernes. Layunin ng batas na makatulong na mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan at mapalawak ang access ng mga mag-aaral sa de-kalidad na edukasyon.
Matagal nang isinusulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga reporma sa sektor ng edukasyon. Ayon sa senador, makatutulong ang bagong batas upang maisakatuparan ang karapatan ng bawat Pilipino sa abot-kaya at de-kalidad na basic education.
Iginiit ni Cayetano na mahalaga ang basic education, lalo na sa mga unang taon ng pag-aaral ng isang bata, dahil malaki ang papel nito sa paghubog ng kanilang kinabukasan.
Umaasa rin ang senador, na dating co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), na makatutulong ang batas upang maibalik sa paaralan ang mga out-of-school youth.
Kamakailan, itinulak din niya ang mas matibay na hakbang upang matugunan ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga estudyanteng naka-enroll sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), bumaba ang enrollment mula 24 milyon noong School Year 2021-2022 patungong 22.1 milyon noong School Year 2025-2026. Binanggit din niya ang walong porsiyentong dropout rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Isa sa mga panukalang isinama sa bagong batas ang The Learner’s Choice (TLC) in Private Basic Education Act of 2025 o Senate Bill No. 422 na inakda ni Cayetano. Pinagsama-sama rin dito ang iba pang panukalang inihain sa Senado bago tuluyang maisabatas.
Inaasahang magbibigay ang bagong programa ng mas maraming pagpipilian sa mga mag-aaral at pamilya, habang tumutulong na maibsan ang kakulangan sa kapasidad ng mga pampublikong paaralan.











