Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos pasukin at pagnakawan ang isang tindahan sa Barangay Olango, Mallig, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rufo Figarola, Chief of Police ng Mallig Police Station, madaling araw nang pasukin ng suspek ang naturang tindahan sa pamamagitan ng isang maliit na bintana at tangayin ang pera at mga sigarilyo.
Agad namang natukoy ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng CCTV footage kung saan nakilala ito sa pamamagitan ng tattoo, gayundin ang impormasyong ibinahagi ng mga residente.
Matapos matunton ang pinagtataguan ng suspek, agad itong naaresto ng mga awtoridad. Narekober din sa tinutuluyan nito ang mahigit P19,000 na perang natangay at ilan sa mga sigarilyong ninakaw mula sa tindahan.
Napag-alaman na tatlong bahay lamang ang layo ng tinutuluyan ng suspek mula sa naturang tindahan at dati rin itong bumibili ng sigarilyo roon kaya posibleng alam nito kung saan inilalagay ang pera.
Paliwanag pa ni PMaj. Figarola, mahigit P20,000 ang kabuuang halaga ng perang natangay, kung saan mahigit P19,000 ang nabawi ng mga awtoridad, bukod pa sa mga sigarilyong narekober.
Kinilala ang suspek na tubong Masbate at anim na buwan pa lamang naninirahan sa Barangay Olango matapos magkapamilya sa lugar.
Sa paliwanag umano ng suspek, pinaghahandaan lamang niya ang nalalapit na panganganak ng kaniyang live-in partner sa Disyembre.
Nagtatrabaho naman umano ito sa isang pagawaan ng hollow blocks kung saan pinatira rin sila ng may-ari ng establisimyento.
Samantala, kinumpirma rin ni PMaj. Figarola na mayroon nang dating kasong homicide ang suspek sa Dimasalang, Masbate batay sa record check na isinagawa ng pulisya sa nasabing lugar.
Gayunman, wala na umanong umiiral na warrant of arrest laban dito dahil cleared na ang naturang kaso.
Nagpahayag naman ng kahandaang magsampa ng kaukulang reklamo ang may-ari ng tindahan habang inihahanda na ng Mallig Police Station ang mga dokumentong kinakailangan upang maisampa ang kaso laban sa suspek.











