--Ads--

Tinututukan ng Isabela Highway Patrol Group (HPG) ang operasyon ng mga truck ng basura, partikular ang mga nagsasagawa ng pangongolekta tuwing gabi at madaling araw, upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa at iba pang motorista sa kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Provincial Officer ng Isabela HPG, sinabi nitong bagama’t pangunahing saklaw ng mga lokal na pamahalaan ang operasyon ng mga garbage truck, nakikipag-ugnayan din ang kanilang hanay sa mga kinauukulang traffic enforcement unit upang matukoy at maiwasan ang mga posibleng panganib sa lansangan.

Kabilang sa mga ipinapaalala sa mga garbage truck operator ang paggamit ng gumaganang hazard lights sa likuran ng sasakyan habang nagsasagawa ng pangongolekta ng basura, lalo na kung mabagal ang pag-usad nito sa kalsada.

Hinihikayat din ang mga garbage collector na magsuot ng reflective vest, partikular ang mga manggagawang nasa likuran ng truck na nagbubuhat at nagkakarga ng basura, upang mas madali silang makita ng ibang motorista.

--Ads--

Kaugnay nito, pinaigting ang paalala sa pagsunod sa mga safety precaution kasunod ng pagkasawi ng dalawang garbage collector sa Barangay San Fermin, Cauayan City, matapos salpukin ng isang van ang likuran ng truck ng basura habang nagsasagawa sila ng pangongolekta noong gabi ng Nobyembre 12.

Samantala, sinabi ni Sales na nakikipag-ugnayan din ang kanilang hanay sa mga pribadong kumpanyang nagsasagawa ng garbage collection upang matiyak na prayoridad ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa at kumpleto ang mga dokumento ng kanilang sasakyan at driver, kabilang ang pagkakaroon ng balidong driver’s license.

Nanawagan din ang HPG sa mga motorista na maging alerto at maingat sa pagdaan sa mga truck ng basura, lalo na sa gabi at madaling araw kung kailan limitado ang visibility at may mga manggagawang aktibong nagtatrabaho sa kalsada.