Patuloy nang ginagamit ng City Civil Registry Office ng Cauayan City ang Administrative Petition for Correction Automated System o APCAS sa pagproseso ng mga petisyon para sa pagwawasto ng mga kamalian sa birth, marriage at death certificates.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Civil Registrar Officer Nerissa Serrano, sinabi nitong fully implemented na ang sistema matapos sumailalim sa pagsasanay ang kanilang mga kawani sa ilalim ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Layunin ng APCAS na mapabilis at mapadali ang paghahain, pagproseso at pag-monitor ng mga administratibong petisyon alinsunod sa Republic Act 9048 at RA 10172, kabilang ang pagwawasto sa ilang clerical errors at pagbabago sa first name.
Gayunman, aminado si Serrano na paminsan-minsang naaantala ang pagproseso at pag-assist sa mga kliyente dahil sa problema sa internet connection.











