Nangambahan ang Federation of Free Farmers (FFF) sa posibleng pagkalugmok ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa sakaling maisakatuparan ang kasunduang pangkalakalan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Matatandaang sinabi ni US President Donald Trump na inaasahang sa Estados Unidos kukunin ng Pilipinas ang kabuuan ng pangangailangan nito sa mga produktong agrikultura at enerhiya simula Enero 1, 2027.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FFF Chairman Leonardo Montemayor, sinabi nitong mawawalan ng proteksyon ang mga lokal na industriya kung sa Amerika lamang kukuha ng mga naturang produkto ang bansa at walang ipapataw na taripa sa mga ito.
Isa sa mga dahilan na binanggit umano ni Trump sa naturang kasunduan ay ang posibilidad na hindi tumulong ang Middle East at iba pang bansang pinagkukunan ng Pilipinas ng mga produkto sakaling magkaroon ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Montemayor, tila ginagamit ni Trump ang naturang sitwasyon upang igiit ang interes ng Estados Unidos, habang pinangangalagaan din nito ang pansariling kapakanan ng kanilang bansa.
Ikinadismaya rin niya ang umano’y pananahimik ng pamahalaan ng Pilipinas sa kabila ng pahayag ni Trump, na aniya ay tila nagpapakita ng pagsang-ayon sa naturang kasunduan.
Dahil dito, nanawagan si Montemayor sa pamahalaan na linawin ang tunay na nilalaman ng kasunduan at konsultahin ang mga sectoral group na direktang maaapektuhan nito, partikular ang mga nasa sektor ng agrikultura at pangisdaan.











