Binigyang-diin ng mga lider ng Kamara na hindi sapat ang mataas na survey ratings ni Vice President Sara Duterte upang makaiwas sa pananagutan sa alegasyon ng unexplained wealth na bahagi ng impeachment case laban sa kaniya.
Ayon kay House Deputy Speaker Janet Garin, nakabatay ang impeachment trial sa mga dokumento at ebidensiyang inihaharap ng magkabilang panig at hindi sa kasikatan o popularidad ng isang opisyal.
Sinang-ayunan naman ito ni House Deputy Speaker Jefferson Khonghun, na iginiit na dapat ipaliwanag ng bise presidente kung saan nagmula ang kaniyang yaman at kung paano ito naipundar.
Sa pagdinig, inilahad ng prosecution expert witness na umabot umano sa ₱817 milyon hanggang ₱1.5 bilyon ang hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Sara Duterte at Manases Carpio.
Dagdag pa ni Khonghun, hindi mabubura ng suporta o simpatiya ng publiko ang mga dokumentong iniharap laban sa bise presidente at mahalagang sagutin niya ang mga alegasyon sa impeachment proceedings.











