--Ads--

Kinoronahang Miss International 2026 ang pambato ng Moldova na si Elizaveta Cuznetova matapos talunin ang mahigit 70 kandidata sa ginanap na kompetisyon sa Japan nitong Miyerkules, Nobyembre 25.

Nagsilbing runners-up ang mga kinatawan ng United Kingdom, Czech Republic, Indonesia at Vietnam.

Samantala, nagtapos naman sa Top 20 ang pambato ng Pilipinas na si Katrina Johnson, na nagtupad sa pangarap na makasali sa naturang prestihiyosong pageant matapos niya itong mithiin sampung taon na ang nakalilipas.

Hangad sana ni Johnson na maiuwi ang ikapitong korona ng Pilipinas sa Miss International, kasunod ng mga naging kinatawan ng bansa na sina Kylie Verzosa noong 2016, Bea Rose Santiago noong 2013, Precious Lara Quigaman noong 2005, Melanie Marquez noong 1979, Aurora Pijuan noong 1970 at Gemma Cruz noong 1964.

--Ads--

Sa kabila nito, naging kapansin-pansin ang kaniyang pagganap sa kompetisyon, kung saan ipinakita niya ang pagkakaibigan at ugnayan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng kaniyang mga kasuotan.

Gayunman, hindi na niya naipamalas ang kaniyang pasarela sa swimsuit segment dahil inalis ang naturang bahagi sa final competition ngayong taon.