Dalawang baboy ang nasawi matapos masagi ng isang cargo truck ang truck na may kargang mga baboy sa Barangay San Fermin, Cauayan City, malapit sa Rizal Park, pasado alas-2 ng hapon nitong Miyerkules, Nobyembre 25.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Larry Donato, driver ng truck na may kargang mga baboy, mabilis umanong tinatahak ng cargo truck ang kalsada nang tangkain nitong mag-overtake sa kanang bahagi.
Sa pagtatangka nitong lumusot, nasagi umano ng cargo truck ang harapang bahagi ng kanilang sasakyan, dahilan upang bahagyang mawalan ito ng balanse at maalog nang husto ang mga kargang baboy.
Ibinahagi ni Donato na dalawang layer ang pagkakasalansan ng mga baboy at siksikan ang mga ito sa loob ng truck.
Sa halip na huminto matapos ang insidente, tinangka pa umanong tumakas ng driver ng cargo truck, subalit hinabol ito ni Donato hanggang sa mapahinto.
Agad namang tumawag ng pulisya ang driver ng cargo truck upang maimbestigahan ang insidente.
Samantala, dalawang baboy ang nasawi na iniuugnay sa matinding stress at pagkakaalog ng sasakyan, na sinabayan pa umano ng siksikang kondisyon sa loob ng truck at mainit na panahon.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang dalawang driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung maaayos ang insidente sa pamamagitan ng areglo o kung magsasampa ng kaukulang kaso laban sa driver ng cargo truck.











