Hindi napigilan ang saya ni Emelyn Ulnagan Borce ng Ilagan City, Isabela nang malaman na hindi lamang siya nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET), kundi nakasungkit pa ng ikawalong puwesto sa pambansang ranking.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Borce, ikinuwento nitong nasa kanilang kuwarto lamang siya at nag-i-scroll sa Facebook habang hinihintay ang resulta nang makatanggap ng mensahe na kabilang siya sa Top 8.
Dahil sa labis na tuwa, napasigaw siya kasama ang kaniyang pamilya nang malaman ang magandang balita.
Aminado si Borce na minanifest niya ang pagiging topnotcher, subalit hindi niya inaasahang makakamit talaga ito.
Aniya, hindi na rin niya ikinagulat ang pagpasa sa pagsusulit dahil ito ang inaasahan sa kaniya ng kaniyang mga magulang, lalo’t consistent honor student siya mula pa noong nag-aaral.
Nagtapos siya ng Bachelor of Elementary Education (BEED) sa Saint Ferdinand College sa Ilagan City.
Ibinahagi rin ni Borce na nakaranas siya ng pressure dahil sa mataas na expectations sa kaniya, dahilan upang lalo niyang pagbutihin ang sarili at magsikap na makapasok sa hanay ng mga topnotcher.
Ginawa niyang inspirasyon ang kaniyang pamilya at hangad na masuklian ang lahat ng paghihirap at sakripisyong ginawa ng mga ito para sa kaniyang pag-aaral.
Bukod sa kaniyang pamilya, pinasalamatan din niya ang kaniyang mga kamag-anak, mga guro at propesor, kaibigan, kaklase, at ang CBRC review center sa naging suporta at paggabay sa kaniya.
Ayon pa kay Borce, tatlo silang topnotchers mula sa kanilang paaralan, at nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nakapagtala ang kanilang grupo ng 100 percent passing rate.










