Ipatutupad sa Region 2 ang dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner, kabilang ang mga kasambahay na makatatanggap ng ₱500 increase.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jesus Elpidio Atal Jr., Regional Director ng DOLE Region 2, sinabi nitong ibinatay ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang wage adjustment sa inflation rate, presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong agrikultural, kalagayang pang-ekonomiya ng rehiyon, at posisyon ng employers at workers.
Ayon kay Regional Director Atal, magkakaiba ang dagdag-sahod sa mga lungsod at probinsya dahil mas mataas ang cost of living sa mga urban area. Sa unang tranche, ₱20 ang dagdag-sahod sa mga probinsya at ₱30 naman sa apat na lungsod sa rehiyon.
Mula ₱6,500, magiging ₱7,000 naman ang minimum wage ng mga kasambahay.
Target mailathala ang wage order sa Nobyembre 30. Magiging epektibo ang unang tranche 15 araw matapos ang publikasyon nito, o posibleng sa Disyembre 16. Susundan ito ng karagdagang ₱10 para sa parehong kategorya sa Mayo 1, 2027.
Tiniyak ni Atal na maglalagay ang DOLE ng hotline para sa mga manggagawang magrereklamo laban sa mga employer na hindi susunod sa bagong minimum wage.
Bahagi rin ng regular na inspeksyon ng ahensya ang pagmonitor sa pagsunod ng mga establisimyento sa batas-paggawa.
Ayon sa opisyal, nasa 15% ng mga unang iniinspeksyong establisimyento ang nakikitang may paglabag. Binibigyan ang mga ito ng 20 araw upang itama ang pagkukulang; kung hindi susunod, magsasampa ng kaso ang DOLE na maaaring humantong sa compliance order na ipatutupad ng mga sheriff kapag naging pinal na.
Nilinaw din niyang hindi awtomatikong exempted sa minimum wage order ang mga bagong negosyo at establisimyentong may mas kaunti sa sampung empleyado. Kailangan pa rin nilang maghain ng aplikasyon para sa exemption upang masuri kung kwalipikado ang mga ito.
Nanawagan si Atal sa mga manggagawa na alamin ang kanilang karapatan at ireport sa DOLE ang anumang paglabag sa tamang pasahod.
Hinikayat din niya ang mga employer, lalo na ang maliliit na negosyong nahihirapang tustusan ang dagdag-sahod, na lumapit sa DOLE upang alamin ang tulong sa ilalim ng programang Sagot Trabaho, kung saan maaaring sagutin ng ahensya ang diperensya sa dagdag-sahod para sa mga kwalipikadong establisimyentong dumaranas ng pinansyal na paghihirap.











