--Ads--

Lubhang limitado umano ang kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makilahok sa paglilitis nito sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa umano’y cognitive impairment, ayon sa kanyang mga abogado.

Sa pre-trial filing ng defense team, sinabi nilang natukoy sa ilang pagsusuri na nakararanas si Duterte ng malubhang problema sa pag-iisip, kabilang ang kakulangan sa atensyon, hirap sa pag-alala ng mga salita, problema sa short-term memory, at paghina ng kakayahang mag-isip, magplano at umunawa ng spatial information.

Ayon sa kanyang mga abogado, halos wala na umanong kakayahan si Duterte na makapagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa paghahanda ng kanyang depensa. Hirap din umano siyang alalahanin ang mga pangyayaring naganap mahigit isang dekada na ang nakalipas, maging ang mga naganap ilang oras lamang bago ito.

Dagdag pa ng defense team, pira-piraso at hindi kumpleto ang kanyang mga alaala kaugnay ng mga kasong kinakaharap. May mga pagkakataon din umanong hindi niya maalala ang mga taong nakilala niya ilang buwan lamang ang nakalipas, pati ang pangalan ng ilang miyembro ng pamilya at ang pagkakakilanlan ng sarili niyang mga abogado.

--Ads--

Sa kabila rin umano ng mahigit 20 buwang pagpapaliwanag sa mga kasong isinampa laban sa kanya, nananatiling limitado ang kanyang pag-unawa sa mga ito.

Binigyang-diin ng depensa na maaaring lalo pang lumala ang naturang kondisyon at maging hadlang sa epektibong paghahanda niya para sa paglilitis.

Sa ilalim ng mga patakaran ng ICC, hindi nakabatay sa pagkakaroon ng sakit ang pagiging fit ng isang akusado para humarap sa paglilitis. Sa halip, sinusuri kung kaya niyang maunawaan ang proseso, layunin at posibleng resulta ng paglilitis, makapagbigay ng tagubilin sa kanyang mga abogado, at makapagsalita sa korte kung nanaisin.

Sa anunsyo naman ng Trial Chamber III noong Hunyo 12, nilinaw ng korte na hindi kailangang nasa pinakamataas na antas ang mga kakayahang ito, basta’t nagagawa ng akusado ang mga ito sa makatwirang paraan.

Patuloy namang magsasagawa ng regular na pagsusuri ang mga kinikilalang eksperto ng ICC sa kondisyon ni Duterte. Gayunman, ang pinal na pagpapasya kung kaya niyang humarap sa paglilitis ay nasa kamay pa rin ng hukuman at hindi ng mga medical expert.

Nilinaw na ang mga pahayag tungkol sa cognitive impairment ay batay sa argumento ng defense team, at ang pinal na pasya sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis ay nakasalalay sa ICC.