Isinusulong ng Department of Agrarian Reform o DAR ang may P225.5 million na infrastructure projects na nakatakdang ipatupad sa 21 barangay sa mga bayan ng Echague, Angadanan at San Guillermo sa lalawigan ng Isabela.
Bahagi ito ng programang Rehabilitation and Improvement of Settlement Economies o RISE na naglalayong mapalakas ang kabuhayan at mapabuti ang produksyon ng mga magsasaka sa mga agrarian reform communities.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Cristeto Acoba Jr., Chief Agrarian Reform Program Officer ng DAR-Isabela, sinabi niya na limang infrastructure projects ang natukoy kasunod ng isinagawang validation at inspection kasama ang mga kinatawan ng Japan International Cooperation Agency o JICA.
Kabilang sa mga proyektong ito ang konstruksyon at rehabilitasyon ng farm-to-market roads, gayundin ang pagtatayo ng dalawang tulay na matatagpuan sa San Guillermo at Echague.
Target ng mga proyekto na mapabilis ang pagdadala ng mga produktong agrikultural mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan.
Paliwanag ng opisyal, malaking tulong ito sa mga magsasaka dahil isa sa kanilang pangunahing suliranin ang hirap sa paglabas at pagbiyahe ng kanilang mga ani, na nagdudulot ng karagdagang gastos sa produksyon.
Sa pamamagitan ng mas maayos na mga kalsada at tulay, mas magiging madali rin para sa mga mamimili at malalaking negosyante na direktang makapasok sa mga sakahan upang bumili ng mga produktong agrikultural.
Hindi lamang imprastraktura ang saklaw ng RISE program dahil kabilang din dito ang mga credit fund para sa puhunan sa pagsasaka, pagsasanay at technology transfer.
Sa kasalukuyan, isinasagawa pa ang paghahanda ng project proposal batay sa resulta ng validation na isusumite rin sa National Economic and Development Authority o NEDA para sa kaukulang proseso bago ang implementasyon.
Inaasahan namang magsisimula ang pagpapatupad ng mga proyekto sa unang quarter ng susunod na taon, sa tulong ng JICA bilang funding partner.
Samantala, iniulat din ng opisyal na nasa P400 million ang pondong inilaan ng DAR ngayong taon para sa iba’t ibang infrastructure projects sa Isabela, karamihan sa mga ito ay natapos at naipasa na sa mga benepisyaryong magsasaka.
Kabilang sa mga natitirang proyekto ang tatlong imprastraktura sa Gamu na nakatakdang sumailalim sa final inspection sa Nobyembre 26, habang nakumpleto na rin ang isang proyektong nagkakahalaga ng P40 million sa Luna at hinihintay na lamang ang iskedyul ng turnover.
Patuloy din ang implementasyon ng mga solar-powered irrigation projects sa lalawigan.











