Anim na bayan sa Isabela ang mayroon nang mga bagong konkretong farm-to-market road o FMR sa ilalim ng programa ng Department of Agrarian Reform o DAR.
Kabilang dito ang Cordon, Echague, Angadanan, Jones, Benito Soliven at San Agustin, kung saan sunod-sunod na isinagawa ang blessing, ribbon-cutting at pagpapasinaya ng mga project marker.
Kasunod ito ng paglagda sa Certificate of Turnover and Acceptance sa pagitan ng DAR, Department of Public Works and Highways o DPWH at mga Local Government Unit o LGU na benepisyaryo ng programa.
Sa Cordon, pinasinayaan ang 0.92-kilometrong kalsada sa Barangay Anonang na pinondohan ng P15 milyon.
Sa Echague naman, binuksan ang 0.71-kilometrong kalsada sa Barangay Benguet na may pondong P12.5 milyon, habang sa Angadanan ay pinasinayaan ang 1.2-kilometrong kalsada sa Sitio Lunac Sinalugan, Barangay Buenavista, na pinondohan ng P15 milyon.
Sa Jones, natapos ang 0.95-kilometrong kalsada sa Barangay Malannit na may pondong P15 milyon, habang sa Benito Soliven ay mahigit 1.7-kilometrong kalsada sa Barangay Villaluz ang kabilang sa mga proyekto, na pinondohan din ng P15 milyon.
Samantala, umabot naman sa 6.49 kilometro ang kalsadang ipinagkaloob sa Barangay Dabubu Grande, San Agustin, Isabela, na pinondohan ng P20 milyon.
Nanguna sa turnover at pagpapasinaya ang mga opisyal ng DAR Isabela at DAR Region 2, habang tinanggap naman ng mga alkalde ng mga nabanggit na bayan ang mga proyekto.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong kalsada sa mga Agrarian Reform Beneficiaries o ARBs, partikular sa pagpapadali ng biyahe at pagdadala ng kanilang mga produktong pang-agrikultura.








